Hustisyang Pilit: Amnestiyang Ginigipit

   


           Malinaw na paglabag sa konstitusyon at may hangarin na tuluyang patahimikin ang oposisyon ang pagpapawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV sa pamamagitan ng Proklamasyon bilang 572, sa tulong ng kanyang mga kaalyado. Ngunit sa gitna ng patuloy pang umiinit na usapin, ano nga ba ang puno’t dulo ng lahat ng ito? Ano nga ba ang nag-udyok sa pangulo upang humantong sa ganitong hakbang?  

               Kung babalikan, isa si Trillanes sa mga miyembro at tagapanguna ng Samahang Magdalo na nasa likod ng kudeta laban sa administrasyong Arroyo, kabilang rin siya sa lumusob sa Oakwood Premier noong 2003, at sa Manila Peninsula noong 2007 na naging dahilan kung bakit nasampahan ng kasong treason ang senador at mga kasamahan nito.

        Ngunit ng maupo si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, nagawaran ng amnestiya noong 2010 sina Trillanes sa pamamagitan ng Proklamasyon bilang 75 na may layuning bigyan sila ng ikalawang pagkakataon ayon na rin sa pagpapatupad ng naturang pangulo upang sila ay muling makapamuhay ng sibilisado kapalit ng pagsisisi at paghingi ng pormal na tawad. 

        Mula naman nang mahalal si Duterte bilang pangulo, isa si Trillanes sa mga unang bumabatikos sa presidente at sa kanyang administrasyon na nagiging dahilan kung bakit nagkakapalitan ng mga maaanghang na salita at walang sawang patutsadahan ang kampo ni Trillanes at ng nasabing pangulo. Humantong ito sa isang mas seryosong usapin matapos igiit ni Duterte na walang bisa ang iginawad na amnestiya sa kanyang pangunahing kritiko. 

      Datapwat, bakit nga ba nasabing labag ang aksyon ng pamahalaan na ito sa ating konstitusyon? Maaari ba itong tignan bilang isang kaparaanan upang busalan ang bibig ng mga taong lumalaban sa diktadoryal na pamamalakad ng kasalukuyang pangulo ng bansa? Ano nga ba ang mga ebidensya na magpapatunay na walang basehan ang ipinaglalaban ng pangulo at ng kanyang mga kakampi?
           
Pinatutunayan sa Artikulo VII Seksyon 12 ng konstitusyon na maaaring maging kinatawan ng pangulo ang mga miyembro ng kanyang gabinete, kung kaya naman katanggap-tanggap pa rin ang amnestiya ni Trillanes kahit pa ang dating kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Voltaire Gazmin ang nakalagda sa kanyang amnesty application form na ‘di umano’y kasalukuyang nawawala. Samakatuwid, walang katotohanan ang sinabi ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Menardo Guevarra na walang laban ang kampo nila Trillanes dahil lamang hindi ang dating pangulong Noynoy ang nakalagda rito.

Sa kabilang banda, ang ‘di umano’y pagkawala ng mga papeles na magpapatunay na sumailalim ang senador sa tamang proseso ng pagbibigay ng amnestiya ay hindi rin balakid upang mapatunayan na siya ay karapat-dapat. Sa isang affidavit na nilagdaan ni Col. Josefa Berbigal, isa sa mga opisyal na nanguna sa oath-taking ni Trillanes, mapatutunayan natin na totoo na nabigyan ng amnestiya ang nasabing mambabatas.

Kung tutuusin, ang isang mag-aaral na nagtapos ng kolehiyo ngunit naiwala ang kanyang diploma ay hindi nangangahulugang hindi siya tapos ng pag-aaral. Sa parehong kalagayan, ang isang batang nawalan ng birth certificate ay hindi naman nangangahulugang hindi na siya isinilang.

Isang kumpletong kapalaluan na igiit ng administrasyon na wala nang bisa ang amnestiyang iginawad kay Trillanes sa isang walang batayang kadahilanang nawala ang kanyang dokumento na nagpapatotoo na siya ay sumailalim sa legal na proseso ng aplikasyon ng amnestiya.

Ayon sa panayam sa isang tagapagsanay ng batas, nakasaad sa konstitusyon na ang amnestiya ay hindi na maaaring ipagpawalang bisa kapag dumaan na ito sa isang legal na proseso. Tinawag niya itong ‘regularity of the act of the President’ kung saan ang isang pasya na isinagawa ng isang presidente ay hindi maaaring baliin o baguhin ng susunod na mamumuno sa bansa. Ang tanging exception lamang sa batas na ito ay kung may ilegal na ginawa ang nasabing presidente. At kung ilalagay natin ito sa sitwasyon ng pagpapasawalang-bisa ng amnestiya ni Trillanes, malinaw na sumailalim ito sa legal na proseso, sa harapan ng madla (na ating makikita sa isang video footage na ipinasa ng kampo ni Trillanes bilang ebidensya laban sa mga alegasyon na ibinabato sa kanya ng kasalukuyang pangulo)
           

          Bukod sa katotohanang labag ito sa batas, may halong pamumulitika ang isinagawang aksyon ng kasalukuyang pangulo at ng kanyang mga kakampi. Isang malaking palaisipan na ang amnestiya lamang ni Trillanes ang kanilang kinukuwestyon, subalit ang amnestiya ng ibang mga miyembro ng Samahang Magdalo tulad na lamang ni Nicanor Faeldon na kilala bilang masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte ay hindi man lamang nabahiran ng kapiranggot na pagdududa. Sa katanuyan, sa kasalukuyan ay may posisyon siya sa Office of Civil Defense (OCD) bilang Deputy Administrator. Walang duda na ang kung sinumang kumakalaban at pumupuna sa naturang administrasyon ay nais nilang patahimikin nang sa ganoon ay walang hahadlang at kukuwestiyon sa mga nais nilang ipatupad sa bansa.

        Higit sa lahat, ang hakbang na ito ay isang paglilihis sa tunay na mga problemang kinahaharap ng Pilipinas. Sa halip na pagtuunan ng pansin at bigyang solusyon ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, pagsadsad ng halaga ng piso kontra dolyar, at marami pang iba ay mas piniling bigyan ng pansin ni Pangulong Duterte at ng kanyang mga kasama na nasa posisyon din ang pagpapakulong at pagpapatahimik kay Trillanes. Masasabi na ito ay isang diversion technique na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon upang manipulahin ang opinyon ng nakararami.

            Hindi makatarungan.

May bahid pamumulitika.

Hayagang paglihis ng pambublikong atensyon.

Ito ang katotohanang ikinukubli sa likod ng isang palabas na masugid nating sinusubaybayan bagama’t lingid sa ating kaalaman ang tiyak na mga dahilan at konkretong detalye ng bawat eksenang hindi nakikita ng ating mga mata.

           Kung kaya naman, maigi lamang na maging kritikal at mulat ang sambayanang Pilipino hindi lamang patungkol sa isyung ito kundi maging sa iba pang mga suliraning kinahaharap ng ating bansa.  Mainam lamang na ipaunawa sa publiko na hindi lahat ng kanilang mga nababasa, naririnig at nakikita ay totoo.

         Sa huli, hindi lamang si Trillanes ang apektado sa isyung ito kung 'di maging tayo din. Sapagkat kung magtatagumpay ang mga nasa posisyon na busalan ang mga taong may kapangyarihan din katulad nila, paano pa kaya ang mga ordinaryong tao na tumutuligsa’t lumalaban sa nakikita nilang mali? Isipin na lamang natin kung ano ang mangyayari sa ating bansa kung masisiil ng mga may kapangyarihan ang kalayaaan ng nakararami na maghayag ng kanilang damdamin. Malaki ang posibilidad na magkatotoo ang sinasabi ng iilan na maaaring maulit ang kasaysayan. Huwag tayong magpapadala sa katotohanang iginigiit. Hustisyang pilit. Amnestiyang ginigipit.



Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

King of the Road: A Poor Man's Tale

Wanted: Mommy Time