Hustisyang Pilit: Amnestiyang Ginigipit
Malinaw na paglabag sa konstitusyon at may hangarin na tuluyang patahimikin ang oposisyon ang pagpapawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV sa pamamagitan ng Proklamasyon bilang 572, sa tulong ng kanyang mga kaalyado. Ngunit sa gitna ng patuloy pang umiinit na usapin, ano nga ba ang puno’t dulo ng lahat ng ito? Ano nga ba ang nag-udyok sa pangulo upang humantong sa ganitong hakbang?
Kung babalikan, isa si Trillanes sa mga miyembro at tagapanguna
ng Samahang Magdalo na nasa likod ng kudeta laban sa administrasyong Arroyo, kabilang
rin siya sa lumusob sa Oakwood Premier noong 2003, at sa Manila Peninsula noong
2007 na naging dahilan kung bakit nasampahan ng kasong treason ang senador at mga kasamahan nito.
Ngunit ng maupo si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino
III, nagawaran ng amnestiya noong 2010 sina Trillanes sa pamamagitan ng Proklamasyon bilang 75 na may
layuning bigyan sila ng ikalawang pagkakataon ayon na rin sa pagpapatupad ng
naturang pangulo upang sila ay muling makapamuhay ng sibilisado kapalit
ng pagsisisi at paghingi ng pormal na tawad.
Mula naman nang mahalal si Duterte bilang pangulo, isa si Trillanes sa mga unang bumabatikos sa presidente at sa kanyang administrasyon na nagiging dahilan kung bakit nagkakapalitan ng mga maaanghang na salita at walang sawang patutsadahan ang kampo ni Trillanes at ng nasabing pangulo. Humantong ito sa isang mas seryosong usapin matapos igiit ni Duterte na walang bisa ang iginawad na amnestiya sa kanyang pangunahing kritiko.
Datapwat, bakit nga ba nasabing labag ang aksyon ng pamahalaan na ito sa ating konstitusyon? Maaari ba itong tignan bilang isang kaparaanan upang busalan ang bibig ng mga taong lumalaban sa diktadoryal na pamamalakad ng kasalukuyang pangulo ng bansa? Ano nga ba ang mga ebidensya na magpapatunay na walang basehan ang ipinaglalaban ng pangulo at ng kanyang mga kakampi?
Mula naman nang mahalal si Duterte bilang pangulo, isa si Trillanes sa mga unang bumabatikos sa presidente at sa kanyang administrasyon na nagiging dahilan kung bakit nagkakapalitan ng mga maaanghang na salita at walang sawang patutsadahan ang kampo ni Trillanes at ng nasabing pangulo. Humantong ito sa isang mas seryosong usapin matapos igiit ni Duterte na walang bisa ang iginawad na amnestiya sa kanyang pangunahing kritiko.
Datapwat, bakit nga ba nasabing labag ang aksyon ng pamahalaan na ito sa ating konstitusyon? Maaari ba itong tignan bilang isang kaparaanan upang busalan ang bibig ng mga taong lumalaban sa diktadoryal na pamamalakad ng kasalukuyang pangulo ng bansa? Ano nga ba ang mga ebidensya na magpapatunay na walang basehan ang ipinaglalaban ng pangulo at ng kanyang mga kakampi?
Pinatutunayan sa Artikulo VII Seksyon 12 ng
konstitusyon na maaaring maging kinatawan ng pangulo ang mga miyembro ng
kanyang gabinete, kung kaya naman katanggap-tanggap pa rin ang amnestiya ni
Trillanes kahit pa ang dating kalihim ng Department of National Defense (DND)
na si Voltaire Gazmin ang nakalagda sa kanyang amnesty application form na ‘di umano’y kasalukuyang nawawala. Samakatuwid,
walang katotohanan ang sinabi ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si
Menardo Guevarra na walang laban ang kampo nila Trillanes dahil lamang hindi
ang dating pangulong Noynoy ang nakalagda rito.
Sa
kabilang banda, ang ‘di umano’y pagkawala ng mga papeles na magpapatunay na
sumailalim ang senador sa tamang proseso ng pagbibigay ng amnestiya ay hindi
rin balakid upang mapatunayan na siya ay karapat-dapat. Sa isang affidavit na nilagdaan ni Col. Josefa
Berbigal, isa sa mga opisyal na nanguna sa oath-taking
ni Trillanes, mapatutunayan natin na totoo na nabigyan ng amnestiya ang
nasabing mambabatas.
Kung
tutuusin, ang isang mag-aaral na nagtapos ng kolehiyo ngunit naiwala ang
kanyang diploma ay hindi nangangahulugang hindi siya tapos ng pag-aaral. Sa
parehong kalagayan, ang isang batang nawalan ng birth certificate ay hindi naman nangangahulugang hindi na siya
isinilang.
Isang
kumpletong kapalaluan na igiit ng administrasyon na wala nang bisa ang
amnestiyang iginawad kay Trillanes sa isang walang batayang kadahilanang nawala
ang kanyang dokumento na nagpapatotoo na siya ay sumailalim sa legal na proseso
ng aplikasyon ng amnestiya.
Ayon
sa panayam sa isang tagapagsanay ng batas, nakasaad sa konstitusyon na ang
amnestiya ay hindi na maaaring ipagpawalang bisa kapag dumaan na ito sa isang legal
na proseso. Tinawag niya itong ‘regularity
of the act of the President’ kung saan ang isang pasya na isinagawa ng
isang presidente ay hindi maaaring baliin o baguhin ng susunod na mamumuno sa
bansa. Ang tanging exception lamang
sa batas na ito ay kung may ilegal na ginawa ang nasabing presidente. At kung
ilalagay natin ito sa sitwasyon ng pagpapasawalang-bisa ng amnestiya ni
Trillanes, malinaw na sumailalim ito sa legal na proseso, sa harapan ng madla
(na ating makikita sa isang video footage
na ipinasa ng kampo ni Trillanes bilang ebidensya laban sa mga alegasyon na
ibinabato sa kanya ng kasalukuyang pangulo)
Higit sa lahat, ang hakbang na ito ay isang paglilihis sa
tunay na mga problemang kinahaharap ng Pilipinas. Sa halip na pagtuunan ng
pansin at bigyang solusyon ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, pagsadsad
ng halaga ng piso kontra dolyar, at marami pang iba ay mas piniling bigyan ng
pansin ni Pangulong Duterte at ng kanyang mga kasama na nasa posisyon din ang
pagpapakulong at pagpapatahimik kay Trillanes. Masasabi na ito ay isang diversion technique na isinasagawa ng
kasalukuyang administrasyon upang manipulahin ang opinyon ng nakararami.
Hindi makatarungan.
May bahid pamumulitika.
Hayagang paglihis ng pambublikong
atensyon.
Ito ang katotohanang ikinukubli sa
likod ng isang palabas na masugid nating sinusubaybayan bagama’t lingid sa
ating kaalaman ang tiyak na mga dahilan at konkretong detalye ng bawat eksenang
hindi nakikita ng ating mga mata.
Kung kaya
naman, maigi lamang na maging kritikal at mulat ang sambayanang Pilipino hindi
lamang patungkol sa isyung ito kundi maging sa iba pang mga suliraning kinahaharap
ng ating bansa. Mainam lamang na
ipaunawa sa publiko na hindi lahat ng kanilang mga nababasa, naririnig at
nakikita ay totoo.
Sa huli,
hindi lamang si Trillanes ang apektado sa isyung ito kung 'di maging tayo din.
Sapagkat kung magtatagumpay ang mga nasa posisyon na busalan ang mga taong may
kapangyarihan din katulad nila, paano pa kaya ang mga ordinaryong tao na
tumutuligsa’t lumalaban sa nakikita nilang mali? Isipin na lamang natin kung
ano ang mangyayari sa ating bansa kung masisiil ng mga may kapangyarihan ang
kalayaaan ng nakararami na maghayag ng kanilang damdamin. Malaki ang
posibilidad na magkatotoo ang sinasabi ng iilan na maaaring maulit ang
kasaysayan. Huwag tayong magpapadala sa katotohanang iginigiit. Hustisyang pilit. Amnestiyang ginigipit.
Astig talaga ng groupmates ko hehe
ReplyDelete